SALAMAT MAHAL KO, KAIBIGAN KO.
WRITTEN BY: EMMA from her old notes handwriting
DATE: UNKNOWN (IN EARLY yr2000 ONwards)
'Alam mo.... ako na yata ang tipo ng nilalang na ayaw makihalubilo sa lahat ng tao.
Si Mahiyain ako. 'yan ang tawag sa akin ng marami. Galit ako sa mundo. Ulila na kasi ako. Lumaki sa magulong lansangan ng Maynila.
Anong ikinabubuhay ko? Ano pa, eh di ang manglimos. 'Yun lang ang kaya ko. Wala naman kasi akong pinag-aralan. Maganda ako?? Hindi rin.
Lahat yata ng kapangitan mayroon ang isang babae meron ako. 'Di nga yata mahiyain lang ang pangalan ko kundi si Kapangitan. Halos nga pandirihan ako, pano pulos grasa ang katawan ko. Tapos alam mo kapag walang magpalimos sa 'kin?, pumupunta ako, doon...sa tambakan ng basura! Kailangan pagkalagay pa lang ng trak ng basura, nandoon na ako..para marami akong makuhang...Tama ka! Pagkain.
Mga pagkaing itinapon na ng karamihan hindi lang galing sa mayayaman kundi doon sa talagang ayaw na niyon. Dahil siguro panis na o dilikaya malapit na ang ...ekspayreysiyon..'yun nga ba ang tawag doon? Basta kung anuman, ang importante natatanggap ng sikmura.
Saan ako tumitira? o Natutulog? o Naliligo? Di problema iyon sa 'kin malawak ang lansangan, kung gusto ko ng may bubong eh di sa ilalim ng tulay ako matutulog. Sagana naman ako sa tubig kapag tag-ulan, samantalang kapag medyo mababaw pa ang baha naglalangoy ako. di ba?
Kung naenjoy ko ang aking pagiging bata? Oo naman madalas akong maglaro noon sa aking malaking palaruan... ang Luneta.
P-Pero ngayon, dalaga na ako. "hikbi." P-parang ayaw ko na ng ganitong buhay. P-pero ..P-paano? A-anong gagawin ko? May magtitiwala't tatanggap pa ba sa katulad ko? Bukod sa walang pinag-aralan, pangit pang hitsura ko. Mahiyain na, galit sa mundo pa rin ako. Sa kabila ng lahat, buhay pa rin ako. Hindi ko matandaan kung kailan ako nagkasakit siguro takot na sa akin ang sakit kasi mikrobyo na siguro ang balat ko.
May nagmamahal pa rin sa akin? Huh? Sino naman ang magmamahal sa akin? Kilala ko ba siya? Eh ang alam ko ulila na 'ko.
Yumao na lahat sila. Iniwan na nila akong lahat. (Hikbi). Si Jesus ba kamo? Aba! magandang pangalan. Pogi ba siya? Oo naman 'no! Marunong din naman akong humanga o umibig kahit ganito ako. Hindi ko na lang pinagtutuunan ng pansin dahil alam kong wala namang papatol sa akin. Siguro 'yung katulad ko rin na taong-grasa, P-pero ayoko sa kanila. Basta! Alam mo ba masaya kang kasama.
Bakit nga ba? Ba't di ka katulad ng iba? Di ka nandidiri sa'kin? Simula ng makita kita dito sa gilid ng Memorial Park, lagi mo akong kinakamusta. A-alam mo bang ang gaan ng feeling nga ba 'yun?....Hahahaha..ikaw lang nakapagpasaya sa akin... T-teka, Di ba kagagaling mo lang dito sa libingan noong isang buwan?,, Ganun ba? Sori...ulila ka na rin pala...Ano kamo? Isasama mo ako ...sa bahay nyo? Bibihisan!!?? Papaliguan!?? Wow... Mapapalitan na rin ang bestidang ito. Imported to! Bigay ito ng isang Kano sa akin...matagal na.
Aba! ang laki pala ng bahay mo! Mansiyon 'to ah.. Oo nasabi ko 'to kahit ipinagpipilitan mong simpleng bahay lang ito kasi nga, ngayon lang ako nakatira sa totoong bahay. Masarap pala.
A-ano kamo mas masarap sa Langit? B-bakit nasan ba iyon?...Doon ba ang mas maganda mong bahay? Mansiyon kamo?? Wow! ang yaman mo pala talaga? Hindi lang ikaw? k-kundi ako rin meron doon? Paanong mangyayari eh tingnan mo nga kung hindi pa kita nakilala wala man lang akong mararanasang ginhawa. A-ano kamo ulit, Doon wala ng mahirap at mayaman? Wala ng pulubi? Lahat makakakain ng libre?
A-alam mo sa totoo lang sa dami ng sinabi mo simula ng tumuntong ako dito sa bahay mo ..patungkol sa Langit, sa Diyos, bihira lang ang natatandaan ko. 'Yung MAHAL PALA AKO NI JESUS! S-salamat ha kasi siguro ikaw yung ang Anghel na ipinadala sa akin. Para malaman ko ang kahulugan ng buhay.
Ngayon ibang-iba na ako kesa dati. Hindi na ako si Mahiyain na galit sa mundo. Tinuruan mo ako kung paano mabuhay ng simple at marangal. Ikaw ang pinakamahalagang regalo na ibinigay ng Diyos. Oo naman 'di ko nalilimutan na mas at pinakahigit sa lahat ay ang dakilang regalo Niya ay nang ibigay Niya ang Kanyang Bugtong na anak na si Jesus para sa tulad ko, at sa lahat ng tao na makasalanan....
Salamat kaibigan... Hinding-hindi kita malilimutan. Ang saya-saya nating dalawa kapag namamasyal tayo sa mall. Noon..hanggang Luneta lang ako. Ngayon, heto nakakapasok na rin ako sa iba't ibang Mall nang hindi pinandidirihan at ipinagtatabuyan.
Utang ko sa iyo ang buhay ko... Ooops...May sorpresa ako sa'yo.
Marunong na akong magluto. At alam mo ba natanggap na ako bilang serbedora at katulong sa kusina. Diyan lang sa malapit sa atin. Alam mo, mababait din sila. Kilala mo rin sila? K-kapatiran kamo? Ah alam ko na. Kaparehas mo, natin pala ng pananampalataya.
Maligaya ka na kamo dahil iiwan mo akong matiwasay. B-bakit saan ka pupunta? A-ano...may sakit ka?? Mana-mana? C-Cancer? Taning, ano iyon? I-ilang araw, linggo o buwan iiwan mo na ako?. (hikbi!) Kung kelan naging magkaibigan tayo. Kung kelan na ..natututo na ako sa buhay, saka ka naman aalis. Puwede bang sumama?
Oo nga pala may panahon para sa akin. P-pero alam mo mamimissed kita sobra. Oo tatanggapin ko ang pag-alis mo. S-sana b-bago ka umalis magpapaalam ka sa'kin. Para andito lang ako sa tabi mo. (hikbi!). K-kasi mahal na mahal kita higit pa sa isang kaibigan at kapatid pero alam ko 'di dapat kasi di naman tayo bagay.
Huh? N-nabigla talaga ako? Totoo?? mahal mo rin ako? at hindi hadlang ang pisikal na kalagayan? Pakakasal t-tayo?
Salamat tumagal ka pa rin ng 6 na buwan. Talagang di mo hinayaan na umalis ka na di tayo nakakasal. Tatlong buwan na ang bunga ng ating pagmamahalan. Napakabuti talaga ng Diyos! Kahit alam kong hinihintay na lang natin ang sandaling iyon, maligaya pa rin nating pinagsasamahan ang araw na ito na naglilingkod sa Kanya.
Siyempre masakit rin ang mawala ka dahil bahagi ka na ng buhay ko pero may kapalit naman eh. Ang baby natin.
Hinintay mo pa rin ang pagluwal ng ating anak. Masaya ka alam ko. Nakikita ko sa iyong mukha ang kaligayahan.
Isang sanggol na lalaki ang aking isinilang. Sisikaping mapalaki siya at maibigay ang tamang pagmamahal kahit alam kong wala na..wala na ang tataya niya.
Sa tulong ng Maykapal alam kong mapapalaki ko siya ng maayos na di tulad ng kinagisnan ko noon.
Oo salamat aking mahal dahil ngayon, Titulado na ang ating anak. Subalit ang pinakamahalaga para sa akin ay nang ipagamit niya ang propesyong iyon sa ating Panginoon.
Mga ilang panahon na lang aalis na rin ako. Magkikita na tayo.. sa tunay nating tahanan. Alam kong masaya kong iiwan ang ating anak sa isang maganda at panatag na buhay.'
***wakas***
(Note: Pawang kathang-isip lang ang kuwentong ito at walang kaugnayan sa totoong pangyayari. Maraming salamat sa pagbasa at nawa ay may kinapulutan kayong aral sa nasabing kwento.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento